Patuloy ang pagtuklas at pagrerekomenda ng UP Resilience Institute ng mga konsepto upang mas mapahusay pa ang pagresponde ng pamahalaan sa mga pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay UP Resilience Institute-NOAH Executive Director, Dr. Mahar Lagmay isa ang konsepto ng “sponge roads” sa posibleng maging solusyon sa deka-dekadang problema sa pagbaha bukod sa mga nakasanayang flood control structure gaya ng mga dike, pumping station, at drainage system.
Ani Lagmay, kung maipapatupad ang konseptong ito ay hindi na mabibilaukan ang mga nauna nang flood control structures dahil sa dami ng daloy ng tubig.
Kung maikokonsidera kasi ang sponge roads sa pagbuo ng layout o plano sa mga komunidad ay magiging malaking tulong ito na maiwasan ang pagragasa ng tubig dahil mas nasisipsip na nito ang ibinabagsak na ulan.
Maaari ring gumamit ng computer simulations upang masuri kung gaano kaepektibo ang sponge roads.
Sa pamamagitan nito ay magkakaroon din ng diversification sa mga pamamaraan ng pamahalaan upang masagot ang problema sa baha.