Pormal nang inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ilalim ng pamumuno ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza ang bagong Audit Program nito upang mas mapalakas pa ang risk-based audits at accountability sa buong bansa.
Batay sa Revenue Memorandum Order (RMO) No. 22-2026 na nilagdaan noong Agosto 24, 2026, pinag-isa ng ahensya ang mga nakaraang programa nito upang magkaroon ng pangkalahatang alituntunin at pamantayan sa pagsusuri ng buwis.
Sa bisa ng bagong sistema, pinalalakas ang Single-Instance Audit Framework kung saan pangkalahatang nililimitahan sa isang electronic letter of authority lamang ang pagsusuri sa isang taxpayer bawat taxable year.
Sa ilallim din ng nasabing sistema, gagamit ang BIR ng automated at anonymized na proseso sa pagpili ng mga priority case batay sa risk-based data, upang mabawasan ang personal na direksiyon ng mga opisyal.
Na-institutionalize na rin ang “Audit of Auditors” o Revalida upang tiyaking sumusunod sa tamang proseso, batas at katotohanan ang mga inilalabas na tax assessment.
Ang nasabing reporma ay alinsunod pa rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaas ang tiwala ng publiko sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapahusay sa ease of doing business.