P73.67 bilyon inilaan para sa subsistence ng MUPs; budget ng AFP, PNP tataas para sa kapakanan ng personnel at pagpapalakas ng kanilang kakayahan
Mahigit 583,000 military and uniformed personnel (MUPs) ang nakatakdang makatanggap ng 5 percent na dagdag sa kanilang base pay sa 2027, bukod pa sa patuloy na P350 daily subsistence allowance. Bahagi ito ng pagpapalakas ng suporta ng Marcos administration sa mga nagtatanggol sa bansa at nangangalaga sa kaligtasan ng mga komunidad.
Sa ilalim ng proposed FY 2027 National Budget, may P73.67 bilyon na inilaan para sa subsistence requirement ng MUPs, kasabay ng pagpopondo para sa mas mataas na sahod, karagdagang personnel, healthcare at iba pang benepisyo, pati sa mas maayos na kagamitan at pagpapalakas ng operational capabilities ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert C. De Leon sa kanyang media interview nitong Sabado na parehong makikinabang ang mga sundalo at pulis sa susunod na dagdag sa kanilang compensation.
“Ang ating mga sundalo—kasama na rin, if I will speak about military and uniformed personnel—ay merong aasahan na 5% increase sa kanilang base pay across the board dahil doon sa executive order na nilagdaan ng ating Presidente,” pahayag ni De Leon.
Bahagi ang dagdag na ito ng second tranche ng adjusted base pay para sa military and uniformed personnel sa ilalim ng Executive Order No. 107, na magsisimulang ipatupad sa Enero 1, 2027. Para sa AFP, P74.92 bilyon ang kinakailangan para sa adjusted base pay, habang P100.55 bilyon naman ang inilaan para sa PNP.
P73.67 bilyon para sa mas mataas na subsistence allowance
Bukod sa dagdag-sahod, ipagpapatuloy din ng pamahalaan ang mas mataas na subsistence allowance ng MUPs na P350 kada araw, mahigit doble kumpara sa dating P150 kada araw.
Para sa 2027, humigit-kumulang P73.67 bilyon ang iminungkahing ilaan para sa subsistence requirement ng mahigit 583,000 MUPs. Para sa AFP lamang, nasa P30.71 bilyon ang proposed budget para sa 246,844 personnel.
“So iyong ating kabuuang 583,000 na MUPs, may nakalaan na P73.67 billion para lamang doon sa increased na subsistence allowance ng ating mga MUP, on top of the 5% increase in base pay na kanilang aasahan next year,” dagdag niya.
AFP budget tataas ng 6.85%; P50 bilyon para sa modernization
Ang AFP ay nakatakdang makatanggap ng P316.71 bilyon, o 6.85% na mas mataas kumpara sa FY 2026 budget nito.
May nakalaan ding P50 bilyon para sa Revised AFP Modernization Program, P10 bilyon na mas mataas kaysa sa P40-bilyong appropriation ngayong taon.
“Iyong ating budget para sa Revised AFP Modernization Program sa 2027 ay nasa P50 billion, para patuloy nating maipatupad iyong different projects of the Armed Forces para mapalakas ang kakayahan at capability ng AFP,” sabi ni De Leon.
Magkasabay na pinapalakas ng pamahalaan ang kapakanan ng personnel at modernization bilang bahagi ng iisang defense strategy. Mahalaga ang modernong kagamitan lalo na sa harap ng mga nagbabagong security challenges. Pero kasinghalaga rin ang mga personnel na mahusay na sinanay, sapat ang compensation, at maayos na nasusuportahan upang magamit nang tama at epektibo ang mga kagamitang ito.
Dinaragdagan din ng gobyerno ang resources para sa AFP Personnel Services, Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), at capital outlays upang higit na mapalakas ang kakayahan ng mga sundalo na gampanan ang kanilang tungkulin at ipagtanggol ang soberanya ng bansa.
“Nagdagdag din tayo ng pondo para doon sa kanilang MOOE at iba pang capital outlay requirements para mas mapalakas talaga ang kakayahan ng ating mga tropa na maipagtanggol ang soberanya ng bansa,” dagdag niya.
Mas maraming pulis, mas malakas na suporta sa kanilang kapakanan
Mas malaking suporta rin ang matatanggap ng PNP sa 2027, na may proposed budget na P242.53 bilyon—mas mataas kaysa sa P226.55 bilyong budget nito ngayong taon.
Sa kabuuang halaga, P210.55 bilyon ang inilaan para sa Personnel Services. Kasama ang P100.55 bilyon para sa adjusted base pay at P28.67 bilyon para sa P350-araw-araw na subsistence allowance ng 224,421 PNP personnel.
May P697.18 milyon ding nakalaan sa hiring ng 2,000 karagdagang patrolmen at patrolwomen, habang P2.186 bilyon naman ang ilalaan para mapunan ang mga kasalukuyang bakanteng uniformed positions.
“Kasama sila sa ating second tranche ng adjustment ng base pay, pati rin iyong P350 na subsistence allowance. Pareho sila ng benepisyo,” pahayag ni De Leon.
“At meron din tayong nakalaan na pondo para sa patuloy na pagdagdag sa kanila. Sa mga police, meron tayong pondo sa pagdagdag ng 2,000 na patrolmen and patrolwomen nationwide. So almost P700 million for hiring of additional 2,000 police personnel,” dagdag pa niya.
Ayon kay De Leon, mahalagang palakasin ang bilang ng mga police personnel, lalo na habang nakikipagtulungan ang PNP sa mga paaralan, local government units at mga komunidad para mapanatili ang peace and order.
Healthcare at iba pang suporta para sa mga pulis at kanilang pamilya
Ipinapakita rin ng proposed 2027 budget na hindi lamang buwanang sahod ang kailangang suportahan para mapangalagaan ang mga police personnel.
May P1.74 bilyon ang inilaan para sa rice subsidy, at P280.67 milyon para sa hospitalization at healthcare ng PNP personnel at kanilang dependents. May P125.11 milyon ding iminungkahi para sa Bantay Kaisipan Health Program.
“Meron din silang mga matatanggap pang additional benefits. Meron silang rice subsidy, may provision din para sa kanilang hospitalization and healthcare,” ani De Leon.
Kasabay nito, namumuhunan din ang pamahalaan sa mga kagamitan at resources upang mas maayos at epektibo nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin.
Kasama sa proposed budget ang P2 bilyon para sa PNP Capability Enhancement Program para sa mobility, communications, firepower at anti-terrorism equipment. May P3.12 bilyon din para sa ICT at P1.499 bilyon para sa infrastructure projects.
“Patuloy ang pagpapaayos natin ng mga kampo, ng ating mga police station and regional headquarters. At iyong MOOE natin actually tumaas ng 10% from P23 billion this year to P25.7 billion next year para iyong lahat ng pangangailangan ng ating mga police ay ma-cover,” pahayag ni De Leon.
“At meron pa tayong P2 billion para sa Capability Enhancement Program na ginagamit ng PNP para sa mobility, communications, firepower at anti-terrorism equipment,” sambit din niya.
Sa kabuuan, ipinapakita ng mga pondong ito ang two-pronged approach ng pamahalaan sa national security: mas alagaan at suportahan ang mga nagsusuot ng uniporme, habang binibigyan sila ng kagamitan at operational capabilities upang ligtas at epektibo nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin.
