P61 bilyong dagdag pondo sa Personnel Services binibigyang-diin ang prayoridad ng Marcos Administration sa mga guro; 135,000 guro inaasahang makikinabang sa expanded career progression
Mas mataas na sahod. P10,000 taunang teaching allowance. P38.78 bilyong sa benepisyo. P12.09 bilyon para sa career progression. Bilyon-bilyong pondo pa para sa training at dagdag na personnel para mabawasan ang teacher’s workload.
Ilan lamang ito sa mga suportang inilaan para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa ilalim ng proposed 2027 National Budget, na nagpapakita ng pagtutok ng Marcos administration sa mga guro bilang sentro ng halos P1-trilyong budget para sa Department of Education (DepEd).
May proposed budget na P975.96 bilyon ang DepEd para sa Fiscal Year (FY) 2027, 5.11% mas mataas kumpara sa FY 2026 National Expenditure Program (NEP).
Mas mahalaga para sa mga guro at iba pang personnel ng DepEd, P61.02 bilyon ng net increase ay mula sa mas mataas na Personnel Services funding, na naglalagay ng malaking bahagi ng dagdag na pondo para direktang mapupunta sa mga taong nagtuturo, namamahala, at nagbibigay-suporta sa mga pampublikong paaralan.
“At the heart of every quality education system is a competent, motivated, and well-supported teaching workforce. No education reform can succeed without investing in the professionals who shape the minds, character, and aspirations of our learners every day,” sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2027 Budget Message.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, ipinapakita ng laki ng suportang ito kung gaano kahalaga ang mga guro hindi lamang sa education sector kundi sa buong government workforce.
“Kapag tiningnan natin ang plantilla ng gobyerno, karamihan d’yan ay ang ating public school teachers. At napakalaki ng inihanda natin para sakanila na kasama sa 2027 budget,” sinabi ni Acting Secretary De Leon sa media interview nitong Sabado.
Mas mataas na sahod para sa mga guro
Isa sa pinakamalaking mararamdaman ng mga guro sa 2027 ay ang fourth tranche ng salary adjustment sa ilalim ng Executive Order No. 64. Katumbas ito ng average na halos 5% dagdag sa buwanang sahod ng government workers, kabilang ang public school teachers.
“Mas may pinakamataas na increase actually ay nasa range ng salary grade 11, 12, 13 kasi sila ang pinakamaraming sa bureaucracy at talagang ramdam na ramdam ito ng ating mga teachers kasi yun yung bulto ng mga items ng ating mga Teachers 1, 2, and 3,” sabi ni De Leon.
P38.78 bilyon para sa benepisyo, P10,000 teaching allowance
Bukod sa basic pay, may proposed P38.78 bilyon para sa mga benepisyong naaayon sa Magna Carta for Public School Teachers at iba pang personnel benefits.
Kabilang dito ang P25.04 bilyon para sa Personnel Economic Relief Allowance (PERA), P5.80 bilyon para sa Special Hardship Allowance para sa mga gurong nakatalaga sa hardship areas, P648.10 milyon para sa teaching overload honoraria, at P7.30 bilyon para sa medical allowance na hanggang P7,000 para sa qualified civilian personnel.
Patuloy ding matatanggap ng mga guro ang kanilang P10,000 taunang Teaching Allowance. May P10.36 bilyon na proposed budget para dito, na sasaklaw sa humigit-kumulang 1.036 milyong teaching at teaching-related positions sa buong bansa.
“Buo pa rin ang kanilang teaching allowance, Ka-Cesar. 10.3 billion. Para patuloy ang 10,000 allowance per teacher for almost more than 1 million teachers nationwide,” sabi ni De Leon.
P12.09 bilyon para sa career growth
Pinalalawak din ng administrasyon ang pondo para mabigyan ng mas maraming guro ng pagkakataong umangat sa kanilang career.
May P12.09 bilyon na inilaan sa proposed 2027 budget para sa Expanded Career Progression (ECP) program. Halos doble ito sa P6.15 bilyong inilaan ngayong taon at nakatakdang suportahan ang 135,063 position reclassifications.
Ayon kay De Leon, tinutugunan ng programang ito ang matagal nang sitwasyon kung saan may mga gurong umaabot ng maraming taon sa serbisyo nang hindi nakakaakyat mula sa tradisyunal na Teacher I, II, at III positions.
Sinabi niyang malinaw ang direktiba ni Pangulong Marcos: “Napakalinaw. Una, walang magreretire na teacher as Teacher 1.”
“Double yan ng provision natin ng 2026. Dahil ngayong 2026, we’re just about at 6 billion yung provision for the ECP. So, ibig sabihin mas maraming mga teachers ang makakaasa na makaka-benefit doon sa expanded career progression next year,” dagdag ni De Leon.
Tinatayang 135,000 guro sa buong bansa ang makikinabang sa programa sa 2027.
“Next year, ‘yang 12 billion ka-Cesar, mga 135,000 teachers. Ma-promote under the expanded career progression,” sabi niya.
Mas maraming suporta, mas maraming oras para magturo
Hindi lamang sahod at promotion ang nakapaloob sa suporta ng pamahalaan para sa mga guro.
May proposed na P3.02 bilyon para sa training ng DepEd personnel, kabilang ang P1.86 bilyon para sa in-service training at iba pang learning and development interventions.
“Bukod pa po dyan, syempre yung regular para sakanilang patuloy na pag-unlad. Ang provision for training na maari nilang magamit to expand the horizon and additional competency na nasa MOOE naman ng DepEd,” sabi ni De Leon.
May P840.59 milyon din para sa paglikha ng 2,135 karagdagang posisyon, kabilang ang School Principal I, Project Development Officer I, at Administrative Officer II positions.
Ayon kay De Leon, layunin ng pagpapalakas sa teaching at non-teaching workforce na mabawasan ang oras na ginugugol ng mga guro sa administrative functions at mas makapaglaan sila ng oras sa pagtuturo sa kanilang mga estudyante.
“Hindi lang teaching pati non-teaching, dahil nga nabalitaan natin ang pangangailangan sa mga school guidance counselors and counselor associates, yung mga non-teaching na tumutulong sa ating mga guro na gawin ang mga admin functions para sila ay maka-concentrate na sa talagang pagtuturo at hindi na nila gagawin pa yung mga HR, procurement, or supply functions,” sabi niya.
Sinisiguro na matatanggap ng mga guro ang nararapat sa kanila
Sinusuri rin ng DBM ang mga internal process nito para mas mapabilis at maging mas responsive ang pag-release ng pondo sa mga salary-related requirement, basta’t updated ang personnel master lists ng mga ahensya.
“Dahil sa direktiba ng ating Pangulo na talagang kapag benepisyo ng mamamayan, ng empleyado, ay hindi dapat nade-delay, we are also reviewing our internal process para lalo pang mas mapabilis,” sabi niya.
Para sa Marcos administration, ang pagpapanatiling pangunahing prayoridad ng edukasyon ay nangangahulugan ng pamumuhunan sa mga taong araw-araw na gumagawa ng paraan para maging posible ang pagkatuto. [END] | Press release from Department of Budget and Management (DBM)