On track ang Department of Health (DOH) sa target nitong deployment ng 24,381 health professionals sa mga probinsya at local government units sa buong bansa pagsapit ng taong 2027.
Ayon kay Health Sec. Edwin Mercado, kabilang sa mga ide-deploy ang mga doktor, nurse, radiologic technologist, at medical technologist upang dagdagan ang health personnel sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang serbisyo.
Sa kabila nito, sinabi ni Sec. Mercado na hindi agad-agad matutugunan ang kabuuang kakulangan ng health professionals sa bansa.
Sa kasalukuyang bilis ng produksyon ng health workers, tinatayang aabutin pa ng pitong taon bago maabot ang target ratio ng DOH, dahil isinasaalang-alang din ang paglaki ng populasyon at pag-alis ng mga health worker sa serbisyo.
Kabilang sa mga pansamantalang hakbang na pinag-aaralan ng DOH ang task shifting, kung saan maaaring ipagawa sa ibang kwalipikadong health workers ang ilang tungkuling karaniwang ginagawa ng mas specialized na personnel.