Photo courtesy of Department of Labor and Employment (DOLE)
Tinatayang may nasa 11,000 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced Workers o TUPAD ang ipinakalat ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang tumulong sa paglilinis at rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng pagbaha sa Metro Manila at Ilocos Region.
Sa Metro Manila, mahigit 1,400 TUPAD workers ang idineploy mula Agosto 24 hanggang Oktubre 2, na may pondong halos ₱39.6 milyon para sa paglilinis ng mga estero, drainage system, at iba pang flood-prone areas. Bahagi ito ng programang “Bayanihan sa Estero” ng DOLE at MMDA na may kabuuang 10,000 TUPAD slots at ₱220 milyong pondo.
Samantala, halos 10,000 TUPAD workers naman ang nakaatas sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan, na may higit P61 milyong inilaan para sa emergency employment. Bukod sa pagbibigay ng pansamantalang hanapbuhay, katuwang din sila sa pagtanggal ng bara sa mga daluyan ng tubig, paglilinis ng mga naiwan ng kalamidad, at iba pang gawaing pangrehabilitasyon.
Ayon sa DOLE, magpapatuloy ang pagpapakilos ng TUPAD workers sa mga lugar na maaapektuhan ng matinding panahon, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang mapabilis ang pagbangon ng mga komunidad.