Agad na isinasaayos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang welfare at repatriation assistance para sa mga pamilya ng dalawang Pilipinong marinong nasawi at para sa 14 na nakaligtas na seafarer ng tanker na SIDR.
Ayon sa OWWA, nakipag-ugnayan na ang mga Regional Welfare Office sa mga pamilya ng mga marino upang matiyak na may agarang tulong na matatanggap ang bawat isa.
Patuloy din ang kanilang koordinasyon sa Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs, at welfare offices sa Oman at Dubai, gayundin sa mga manning agencies at may-ari ng barko upang masigurong may suportang makukuha ang mga pamilya ng nasawi, gayundin ng mga nakaligtas.
Matatandaan na 16 ang Filipino seafarers na sakay ng SIDR tanker. Dalawa ang napaulat na nasawi at 14 naman ang nakaligtas. Ipinag-utos naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa iba pang kinauukulang ahensya na ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa mga apektadong marino at kanilang mga pamilya.