Nagsampa na ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng flood control mess.
Pasado alas-12 ng tanghali kanina nang magtungo sa Sandiganbayan si Asst. Omb Mico Clavano para pormal na magsampa ng kaso.
Sa isang urgent press briefing naman, kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang kasong plunder na isinampa laban sa dating house speaker at incumbent Leyte 1st District Representative.
Kasama rin sa respondents sina dating Cong. Zaldy Co, at mga pribadong indibidwal na sina Joselyn Tragua Serenio, at Felicito Cristobal Guevarra.
Sa naturang reklamo, inakusahan sina Romualdez at Co na paulit-ulit na tumanggap, direkta man o hindi, ng komisyon, kickbacks, “commitments,” shares, percentages, at iba pang benepisyong pinansyal sa 15 o higit pang pagkakataon, na may kabuuang halaga na hindi bababa sa P7.44 bilyon.
Ang mga naturang halaga umano ay nagmula sa mga contractor at iba pang taong o entity na may interes sa flood control, infrastructure, at iba pang government projects na pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Acts para sa fiscal years 2022 hanggang 2025.
Ayon kay Ombudsman Remulla, natagalan ang pagbuo ng kaso dahil nais ng mga imbestigador na matiyak na lubusang nasuri ang mga ebidensya at magiging matibay ito sa legal na pagsusuri bago iharap sa Sandiganbayan.
Non-bailable ang kasong plunder.
Una na ring nai-raffle ang kaso sa Sandiganbayan 3rd Division ngayong hapon.