Gagamitin ng Roblox ang Philippine National ID para sa age verification ng mga user nito sa bansa bilang bahagi ng mas mahigpit na proteksyon sa mga kabataan online.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda, ito ang isa sa mga napag-usapan sa pulong ng pamahalaan kasama ang Roblox at Meta sa Singapore, kung saan tinalakay ang mga hakbang para mapalakas ang online safety ng mga bata.
Sinabi ni Aguda, na lima ang naging demand ng Pilipinas sa Roblox, kabilang ang age segmentation, mas mahigpit na pagbabantay sa chat, parental controls, pagkakaroon ng kinatawan o opisina sa bansa, at age verification.
Aniya, tatlo na rito ang natugunan na ng Roblox at ang natitirang age verification gamit ang National ID ay target na makumpleto bago matapos ang Oktubre.
Ipinaliwanag ng kalihim na yes or no lamang ang magiging sagot sa verification system at walang personal na impormasyong ililipat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) patungo sa Roblox.
Kapag sinabi ng isang user na siyam na taong gulang siya, iche-check lamang ng Roblox sa National ID system kung tugma ang kaniyang pagkakakilanlan at edad, nang hindi nito nakukuha ang mismong personal data.
Umaasa si Aguda na magiging technical at policy template ang gagawing sistema ng Roblox para sa iba pang social media at gaming platforms.
Sinabi naman aniya ng Meta, na magpapadala ito ng technical working group sa Pilipinas sa susunod na dalawang linggo upang pag-aralan ang integrasyon ng National ID at iba pang kinakailangang hakbang.