Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Sumalang sa pagdinig ng House Committee on Appropriations ang panukalang ₱975.96 bilyon budget ng Department of Education (DepEd) para sa 2027.
Sa pagharap ni Education Secretary Sonny Angara, humiling ang ahensya ng karagdagang ₱145.19 bilyon upang pondohan ang mga kritikal na programang hindi naisama sa National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Angara, ito ang mga priority intervention na mahalaga upang mapabilis ang mga reporma at mapabuti ang learning outcomes ng mga mag-aaral.
Sa ilalim ng panukalang alokasyon, tumaas ng 8.64% ang pondo para sa Personnel Services na umabot sa ₱766.74 bilyon. Bumaba naman ng 15.94% ang Maintenance and Other Operating Expenses, at ng 67.49% ang Capital Outlay.

Pangunahin naman sa hinihinging dagdag na pondo ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program, na walang nakuhang alokasyon sa 2027 NEP sa kabila ng mga positibong resulta nito.
Bukod sa learning recovery, kabilang sa mga prayoridad ang promosyon ng mahigit 135,000 guro at punong-guro, pagpapatayo ng mahigit 4,900 bagong silid-aralan, at School-Based Feeding Program na saklaw ang 3.69 milyong mag-aaral.