Iginagalang ng Malacañang ang hakbang ng Office of the Ombudsman na pormal nang kasuhan ng plunder si dating Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, tungkulin ng Ombudsman na aksyunan ang reklamo laban sa mga opisyal ng gobyerno na inaakusahan ng paglabag sa batas.
Aniya, malinaw naman ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin ang mga dapat na managot kung mayroong ebidensya, kahit sino pa man ito.
“Ang sa Pangulo naman po ay kung sino po ang dapat na managot ay dapat na panagutin. Kung sinuman po iyan – kamag-anak, kaibigan, kaalyado o kalaban sa politika. Kung ano po ang isinisigaw ng ebidensiya, dapat lamang po itong mailahad.” —Castro
Kung matatandaan, noong nakaraang SONA, una nang sinabi ni Pangulong Marcos na masakit man ay kailangan niyang gawin ang tama kaugnay ng paghahain ng mga kasong kriminal ng Ombudsman laban sa kanyang pinsan.
“So, depende na po iyan sa mga makakasuhan kung sila man po ay may sapat na ebidensiya para ipaglaban ang kanilang sarili, nasa kanila na po iyan. At iginagalang po natin ang aksiyon ng Ombudsman dahil ito naman po ay nasa kanilang mandato.” —Castro
Batay sa inihaing kaso, inakusahan ng Ombudsman sina Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na umano’y nagsabwatan upang magnakaw ng halagang aabot sa PhP56 billion mula 2022 hanggang 2025.