Isang makabuluhang paglalakbay ang tinahak ng pambato ng Pilipinas na si Asia Rose Simpson matapos niyang umabot sa Top 12 ng Miss World 2026 na ginanap sa Nha Trang, Vietnam.
Mula sa mga unang yugto ng kompetisyon hanggang sa 73rd Miss World coronation night, ipinakilala ni Simpson ang kultura ng Pilipinas at ang kaniyang husay, talento, at adbokasiya upang patuloy na umangat ang pangalan sa kompetisyon.
Isa sa highlights ng kaniyang paglalakbay ang pagkapanalo niya sa Head-to-Head Challenge ng Asia at Oceania, dahilan upang makapasok siya sa Top 40 ng Miss World 2026.
Sa unang bahagi ng naturang challenge, ibinahagi ni Simpson ang kaniyang adbokasiya na Sports and Dance Initiative (SĒD), isang inisyatibang gumagamit ng sports at sayaw upang itaguyod ang pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan ng mga kabataan.
Sa ikalawang round, tinalakay rin ni Simpson kung paano mapapanatili ng bagong henerasyon ang kultura sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Ayon kay Simpson, mahalaga ang kapwa at bayanihan, pati na ang mga simpleng paraan upang mapanatiling buhay ang kultura. Kabilang dito ang paggamit ng sariling wika, pagbabahagi ng mga kuwento sa mga anak at apo, at pagpapatuloy ng pagluluto ng mga tradisyunal na pagkain.

Bukod sa kaniyang tagumpay sa Head-to-Head Challenge, nakapasok din si Simpson sa Top 24 ng Sports Fast Track Challenge matapos niyang makuha ang ika-7 puwesto sa 1.25-kilometer run na nilahukan ng 111 kandidata.
Hindi rin nagpahuli si Simpson sa talent portion. Pinarangalan siya bilang Top 3 ng Talent Competition kasama sina Grace Richardson ng England at Annabelle Ibo ng Guadeloupe.
Sa kaniyang dalawang-minutong orihinal na dance performance na “Succor”, ginamit ni Simpson ang sayaw upang ihatid ang mensahe ng pag-asa at healing para sa mga taong nakararanas ng mental health struggles.
Bukod sa talento at adbokasiya, naging mahalagang bahagi rin ng kaniyang paglalakbay ang pagpapakilala niya sa kulturang Pilipino sa international stage.
Sa Dances of the World segment, ipinamalas ni Simpson ang tradisyunal na Pandanggo sa Ilaw, isang sayaw mula sa Mindoro kung saan binabalanse ng mananayaw ang tatlong maliliit na ilaw.
Samantala, isa rin si Simpson sa mga nanguna sa Asia at Oceania finalists para sa Beauty With a Purpose challenge, na higit pang nagbigay-diin sa kaniyang adbokasiya at layuning gamitin ang kaniyang plataporma upang makatulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga kabataan sa pamamagitan ng SĒD.
Sa coronation night noong September 5, 2026, muling naging mahalaga ang naunang tagumpay ni Simpson sa Head-to-Head Challenge.
Mula sa apat na continental groups na Africa, Americas and Caribbean, Asia and Oceania, at Europe, pinarangalan bilang Overall Winner ng Head-to-Head Challenge si Simpson, dahilan upang makakuha ang Pilipinas ng puwesto sa Top 20.
Sa Top 12 ng kompetisyon, naiwan bilang kinawatan ng Asia and Oceania si Simpson mula sa Pilipinas at Lê Nguyễn Bảo Ngọc ng Vietnam.
Matapos makakuha ng puwesto sa Top 2 ng Asia and Oceania, muling ipinamalas ni Simpson ang talino at husay sa pagsagot sa tanong na: “You’re representing the most populated and most varied region in this competition. What’s one thing about where you come from that you want the rest of the world to understand, and how does that show up in the way you carry this title?”

Para kay Simpson, ang puso ng isang pamilya ay unity o pagkakaisa.
“We speak about diversity. And I am half Filipino, half American. So I know what it is like to represent two sides of a coin. In my country, we are known for resilience. We are known for hospitality. But I know them for the love of family, and the core of any family unit is unity. If I were to bring one value from my country to the world, it would be unity. Miss World has united 111 countries from around the globe. So I think that this is just the start. Maraming, maraming salamat. Cảm ơn,” ani Simpson.
Gayunpaman, hindi na nakasulong si Simpson sa Top 6, at ang pambato ng Vietnam ang naging kinatawan ng Asia and Oceania sa sumunod na yugto ng kompetisyon.
Sa kabuuan ng kaniyang paglalakbay sa Miss World 2026, naging bahagi rin ng kuwento ni Simpson ang kaniyang mga kasuotan na nagpakilala pa sa Pilipinas.
Sa Dances of the World segment, ipinakita niya ang kulturang Pilipino sa kaniyang suot na national costume na idinisenyo ni Renel Suarez. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kandidata na magsuot ng pambansang kasuotan ng Vietnam na tinatawag na áo dài.
Para naman sa kaniyang final gown, suot ni Simpson ang eleganteng pink at white gown na inspirasyon ang lotus flower, likha ng designer na si Ryan Ablaza Uson.
Ibinahagi rin online ang kaniyang reserved light pink gown na likha naman ng designer na si Benj Leguiab IV. Una nang inirampa ni Simpson ang blue gown na gawa ni Leguiab sa Miss World 2026 Top Model Final Round.
Sa huli, natapos ang paglalakbay ni Asia Rose Simpson sa Top 12 ng 73rd Miss World at bilang Top 2 finalist mula sa Asia and Oceania. Nag-iwan din siya ng marka sa kompetisyon bilang Overall Winner sa Head-to-Head Challenge.
Samantala, si Joheirry Mola ng Dominican Republic ang kinoronahang Miss World 2026, habang first runner-up si Elisabeth Reynés ng Spain, at second runner-up si Taanusiya Chetty ng Malaysia.
Mula sa unang rampa hanggang sa huling sandali sa entablado, naging makulay ang paglalakbay ni Asia Rose Simpson habang iwinawagayway ang bandila ng Pilipinas, isinusulong ang kaniyang mga adbokasiya, at ipinapakilala ang kulturang Pilipino at ang mensahe ng pagkakaisa na nais niyang ibahagi sa mundo.