Photo courtesy of House of Representatives
Aprubado na ng House Committee on Welfare of Children ang Substitute Bill para sa Children’s Social Media and Online Gaming Safety Act na naglalayong maglatag ng mas mahigpit na pamantayan sa kaligtasan at regulasyon para sa proteksyon ng mga kabataan sa digital space.
Ang naturang panukala ay kabilang sa LEDAC priority measures ng pamahalaan matapos isulong mismo ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III para sa mas pinagtibay na safeguards para sa mga bata online.
Nakapaloob sa panukala ang total ban sa paggamit ng anumang social media platform para sa mga batang edad 12 pababa upang maiwasan ang sobrang screen time at maagang exposure sa mga panganib sa internet.
Para naman sa edad 13 hanggang 17, ipagbabawal ang access sa harmful content gaya ng karahasan at sekswal na materyal, gayundin ang ilang feature tulad ng infinite scrolling, shorts o reels, at direktang komunikasyon sa platform.
Obligado rin ang social media at online gaming platforms na magkaroon ng opisyal na Philippine presence o rehistro sa bansa upang matiyak na may legal na hurisdiksyon ang pamahalaan at mapanagot ang mga kumpanyang lalabag sa mga regulasyon.
Ayon naman kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, isa sa mga nagsulong ng panukala, hindi dapat nakasalalay lamang sa mga magulang o mismong mga bata ang kanilang online safety dahil dapat nakapaloob mismo sa disenyo at operasyon ng digital platforms ang mga mekanismo para sa proteksyon ng mga kabataan. “Parents will always have an important role in guiding their children online, but families should not be expected to carry this responsibility by themselves. Hindi rin tama na isisi natin sa social media or online games ang lahat ng problemang kinakaharap ng kabataan. But we cannot ignore how much these platforms now shape their everyday lives, and that comes with responsibility,” ani Acidre