Sinagot ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang mga tanong kung bakit walang mugshot si Vice President Sara Duterte nang sumuko ito sa Quezon City Regional Trial Court para sa kasong grave threats.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Remulla na nakasaad sa rules of court na pinapayagan ang pagsusumite ng larawan ng akusado para sa booking procedure kapag ito mismo ang sumuko.
Sinunod lang aniya nila ang proseso na nakatakda sa PNP rules of conduct at walang special treatment.
Iginiit din ni Remulla na ibinigay nila ang nararapat na paggalang kay Duterte bilang Pangalawang Pangulo ng bansa, lalo’t bailable naman ang kaso laban sa kanya.
Samantala, pinabulaanan ni Remulla ang alegasyong hinarass ng DILG at PNP ang Bise Presidente. Wala aniyang SWAT o armadong tauhan nang isilbi ang warrant sa bahay at opisina nito, at kusang pinapasok ang mga tauhan ng CIDG. Hinamon din niya ang kampo ni Duterte na ilabas ang anumang CCTV footage na magpapatunay ng kaniyang alegasyon.