Tinanggal sa puwesto ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sina Pampanga 3rd OIC-District Engineer Aser S. Mallari at OIC-Assistant District Engineer Augustin R. Dagsaan Jr. dahil sa kabiguang maipatupad ang kinakailangang road safety measures sa isang proyekto ng ahensya sa Fil-Am Friendship Highway sa Angeles City, Pampanga.
Kasunod ito ng pagkamatay ng isang lalaki matapos mahulog sa binahang open drainage canal sa naturang lugar.
Ayon sa DPWH, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking nasusunod ang safety at quality standards sa lahat ng proyekto ng gobyerno.
Tiniyak ni Dizon na mananagot ang sinumang opisyal ng DPWH na mapatutunayang nagpabaya sa tungkulin at naglagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko.