📷 DepEd
Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang opisyal na paglulunsad ng National Teachers’ Month (NTM) 2026 noong Sabado, Setyembre 5, sa Limketkai Atrium sa lungsod na ito.
Bitbit ang temang “Teacher, Ikaw Naman,” layunin ng pagdiriwang na tiyaking ang mga guro naman ang pasalamatan, parangalan, at bigyang-prayoridad sa buong bansa.
Sa kanyang talumpati, ipinaabot ni Angara ang pasasalamat sa mga inisyatibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kapakanan ng mga tagapagturo. “Basta kakayanin, ibibigay ng ating Pangulo. That is also the philosophy of the Department of Education: kung ano ang makakayang ibigay natin sa ating mga guro, ibibigay natin,” pahayag ni Angara.
Binigyang-diin din ng kalihim ang kahalagahan ng emosyonal na suporta ng mga guro sa gitna ng mga hamon sa paaralan, lalo na sa panahon ng artificial intelligence. Aniya, hindi kailanman mapapalitan ng teknolohiya ang “mainit na yakap, tapik sa balikat, at simpleng pagbati” ng isang guro na tumatayog pangalawang tahanan ng mga mag-aaral.
Dumalo rin sa pamamagitan ng isang video message si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos, na isa ring guro, upang ipaabot ang kanyang pagpupugay sa sakripisyo at dedikasyon ng mga tagapagturo sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
Mga Benepisyo at Reporma para sa mga Guro
Inilahad ni Angara ang mga pangunahing repormang naipatupad na upang mapabuti ang kondisyon sa pagtatrabaho ng mga guro:
- Career Progression: Higit 93,000 guro at school heads na ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System.
- Bawas-Paperwork: Mula 174 ay ginawa na lamang limang (5) pangunahing forms ang kailangang asikasuhin ng mga guro upang mas makatutok sila sa pagtuturo.
- Dagdag-Allowance at Leave: Sa ilalim ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, doble na ang taunang teaching allowance na PHP 10,000 mula sa dating PHP 5,000. Mayroon na ring PHP 7,000 annual medical allowance, limang araw na paid wellness leave, at pinalawig na Vacation Service Credits na hanggang 30 araw kada taon.
Mga Tampok na Kaganapan
Naging makulay ang kick-off event sa pamamagitan ng mga kultural na pagtatanghal, bench cheering competition ng anim na rehiyon sa Mindanao, at mga papremyo.
Ilan pa sa mga highlight ng programa:
- Inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang Special Commemorative Cover.
- Pinarangalan ang mga natatanging guro sa Mindanao tulad nina 2026 Metrobank Foundation Most Outstanding Filipino awardee Shiela Marie Amigo ng Zamboanga Sibugay at DepEd Hero Jeric Maribao ng Misamis Occidental.
- Nagkaloob ang corporate partner na McDonald’s Philippines ng 50 “ReClassified Chairs” (mga upuang ginawa mula sa mga iretirong kagamitan ng restawran) para sa East City Central School, kasama ang tulong sa pagkain at iba pang suporta.
Nagwakas ang Kick-off Rally sa sama-samang pag-awit ng “Hawak Kamay.” Magsasagawa ng iba’t ibang aktibidad ang DepEd kasama ang iba’t ibang pribado at pampublikong sektor para sa NTM na magpapatuloy hanggang Setyembre 5 at magtatapos sa World Teachers’ Day sa Oktubre 5.