Umalma si House Prosecutor Terry Ridon sa umano’y special treatment kay Vice President Sara Duterte nang magtungo ito ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) para sa kanyang paglagak ng bail.
Sa isang ambush interview sa Senado, kwinestyon ni Ridon ang hindi pagsalang ng pangalawang pangulo sa booking procedures ng Philippine National Police (PNP).
Giit ng mambabatas, ang hakbang ay malinaw na special treatment na nagpapakita ng hindi pantay na pag-iral ng batas (rule of law) sa lahat ng tao na dapat ay pantay-pantay sa harap ng hustisya.
Inihalimbawa ni Ridon ang kaso ni Senator Rodante Marcoleta na kahit direktang sumuko si Marcoleta sa Sandiganbayan, dumaan pa rin ito sa pamantayan at obligadong criminal booking process, kabilang na ang pagkuha ng opisyal na booking photograph o mugshot.