Ngayong linggo ang target ng House prosecution na tapusin ang presentasyon ng mga ebidensya ukol sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Inaasahang ipiprisinta ang limang testigo ngayong linggo matapos ipa-subpoena ng Senate Impeachment Court.
Kabilang sa mga inaasahang tatayo bilang testigo sina dating Department of Education (DepEd) special disbursing officer Edward Fajarda, ang kanyang asawa na si DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda, Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant National Statistician Marizza Grande, Police Maj. Jovelyn Magay, at Commission on Audit (COA) employee Bresilio Sabaldan.
Una nang sinabi ni House lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa impeachment court na plano nilang tapusin ngayong linggo ang usapin hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Inaasahang nakatutok ang atensyon ngayong linggo sa mga pondong nakalaan sa DepEd, na inilabas noong 2023 sa tatlong magkakahiwalay na tranche na nagkakahalaga ng P37.5 milyon bawat isa.
Pinag-aaralan din ng mga prosecutors kung itutuloy pa ang Article III hinggil sa usapin ng suhol (bribery) bilang bahagi ng layuning mapabilis ang buong proseso ng paglilitis, ngunit wala pa itong pinal na desisyon.