Uunahin muna ng House prosecution panel ang pagprisinta ng ebidensya sa Article 2 hinggil sa unexplained wealth bago talakayin ang mga alegasyon ng bribery, bilang hakbang ng pagiging “prudent”.
Ito ang inihayag ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro sa harap ng Senate impeachment court sa Day 22 ng paglilitis, matapos ianunsiyo ang pagbabago sa pagkakasunod-sunod ng mga natitirang artikulo ng impeachment.
Ayon kay Luistro, mas mahaba ang kakailanganing araw ng paglilitis para sa kasong unexplained wealth kumpara sa bribery.
Bagamat naunang lumutang ang posibilidad na tuluyan nang alisin ang presentasyon ukol sa bribery upang mapaikli ang trial, pormal nang sinabi ni Luistro ang opisyal na desisyon ng panel.
Ipinaliwanag niya, na nasa ilalim ng diskresyon ng House panel ang pagbabago sa “order of presentation,” depende sa availability ng mga testigo at iba pang mahahalagang konsiderasyon.