Photo courtesy of the Office of Civil Defense
Hindi tumitigil ang Office of Civil Defense (OCD) sa pagpapaabot ng tulong sa mga lugar na labis na sinalanta ng mga nagdaang bagyo at Habagat.
Sa panayam ng programang BOSES kay OCD Disaster Preparedness Service Director 3 Vicente Gregorio Tomas sinabi nito na mahigpit ang ibinabang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at maging ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. hinggil sa pagpapaabot ng relief assistance ng OCD.
Sa katunayan, panibagong batch na ng relief assistance ang pinagulong ng OCD dala ang 10 trucks ng relief items na may lamang bigas, inuming tubig at hygiene kits na papunta sa mga binahang lugar sa Bulacan.
Partikular itong tumungo sa Marilao, Bocaue, Balagtas at Guiguinto sa Bulacan.
Pagtitiyak pa ni Director Tomas na umpisa pa lamang ito ng mas maraming serye ng relief caravan ng OCD upang maabutan ng tulong ang mga lugar na pinadapa ng baha at masamang panahon.