Isasama na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa updated membership at registration form nito ang probisyon para sa pagdeklara ng health proxy.
Sa pagpapatuloy ng budget hearing ng Department of Health (DOH) iginiit ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na may mga ospital na hindi kinikilala ang Right to Care Ordinance dahil wala pang memorandum mula sa DOH.
Bilang tugon, sinabi ni PhilHealth Vice President for Management Group Dr. Joseph Lachica, na inaayos na nila ang revised Philhealth form para dito.
Layunin nitong mapadali ang access sa healthcare services ng mga miyembro, kabilang ang solo parents, overseas Filipino workers (OFWs), at mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Sa ilalim nito, maaaring magtalaga ang isang miyembro ng taong maaaring kumatawan sa kanya sa pakikipag-ugnayan sa healthcare providers, lalo na kung hindi niya kayang gumawa ng medical decisions para sa sarili.
Nangako naman si Health Secretary Edwin Mercado na ilalabas ng DOH ang updated PhilHealth member registration form bago matapos ang Setyembre.
Ilan sa mga lungsod na nagpatupad na ng Right to Care Ordinance ang Cavite, Quezon City, San Juan, Parañaque, Iloilo City, Cebu, at Laguna.