Patuloy ang pagtutok ng Department of Agriculture o DA sa presyo ng abono o fertilizer, partikular ang urea, bunsod ng hindi pa rin umiigi na sitwasyon sa Gitnang Silangan, dahilan para manatiling mataas ang presyo ng abono sa lupa.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, sinabi nitong mula sa dating presyo na ₱1,500 ay pumalo na ngayon sa ₱2,300 ang presyo ng fertilizer dahil sa tensiyon sa Middle East.
Sa kabila nito, inaprubahan naman na ng Department of Budget and Management o DBM ang dagdag na pondo para sa DA sa ilalim ng UPLIFT program upang matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng fertilizer assistance.
Malaking bagay, ayon kay De Mesa, ang inilaang budget para sa fertilizer requirement dahil napapanatili nito ang productivity ng mga magsasaka bilang paghahanda na rin sa matinding epekto ng El Niño.