Tuloy-tuloy ang case investigation ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) sa mga bagong kaso ng Leptospirosis sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Nitong September 1 at 2, pinuntahan ng Disease Surveillance Officers ang mga kaso sa Barangay Ramon Magsaysay, Bahay Toro, San Jose, Santo Domingo at Paltok sa District 1, gayundin sa Tandang Sora sa District 6.
Sa case surveillance, inaalam ang kondisyon at sintomas ng mga pasyente, mga lugar na pinuntahan, at posibleng may exposure sa baha, maruming tubig, putik, o kontaminadong lugar.
Batay sa pinakahuling update, umabot na sa 658 ang kaso ng Leptospirosis sa Quezon City mula January 1 hanggang September 3, 2026, kabilang ang 41 nasawi.
Paalala ng QCESD, maaaring lumitaw ang sintomas ilang araw matapos ang exposure. Pinapayuhan ang mga nakalubog sa baha o maruming tubig na agad magpakonsulta sa health center o ospital kapag nakaranas ng sintomas. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸 QCESD

