Isang tahasang pagtatangka lamang upang ilihis ang atensyon ng publiko sa mabibigat na ebidensya sa kanyang impeachment trial ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa kanyang kawalan ng seguridad.
Ito ang binigyang-diin ni House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers kasunod ng Day 22 ng paglilitis sa Senado, bilang tugon sa pahayag ng bise presidente na hindi umano siya ligtas nang maghain ng piyansa sa Quezon City Regional Trial Court.
Ayon kay Barbers, malinaw na isang “defense mechanism” lamang ito ng bise presidente habang patuloy na bumibigat at dumarami ang mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon upang ilayo ang isip ng publiko sa isyu ng confidential funds.
Dagdag pa niya, walang lohika sa pahayag ni Duterte na siya ay nasa panganib gayong protektado naman siya ng daan-daang tauhan mula sa militar at pulisya, bukod pa sa pag-alalay ng kanyang mga personal na abogado.