Hinimok ni Abra lone district Representative JB Bernos ang kanyang mga kapwa mambabatas na aprubahan ang pondo para sa subsidiya sa bagong aprubadong bakuna laban sa African Swine Fever o ASF.
Ayon kay Bernos, malaking tulong ang ₱1 bilyong hinihingi ng Department of Agriculture para sa pagbabakuna ng mga backyard pig farms at maprotektahan ang kabuhayan ng maliliit na magbababoy.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Bureau of Animal Industry sa commercial sale ng AVAC ASF LIVE, ang kauna-unahang ASF vaccine na maaaring gamitin sa fatteners o mga baboy na inaalagaan para sa produksyon ng karne.
Sinabi ng DA na isinasagawa rin ang testing sa PROVAC, isang ASF vaccine na gawa sa South Korea.
Binigyang-diin ni Bernos ang kahalagahan ng malawak na access sa bakuna upang mapigilan ang pagkalat ng ASF, na mula nang tumama sa bansa noong 2019 ay nagpababa sa populasyon ng baboy mula 13 milyon sa tinatayang walong milyon.
Ayon pa sa mambabatas, makatutulong ang pagbabakuna sa pagpapanatili ng suplay ng baboy at pagpigil sa pagtaas ng presyo ng karne bunsod ng supply instability.
Umaasa rin si Bernos na magiging matagumpay ang Animal Vaccine Development Program ng DA sa pagbuo ng sariling bakunang gawa ng mga Pilipinong researcher at scientist laban sa ASF at iba pang sakit ng mga hayop.