HoR Screengrab
Nakatutok ngayon ang House prosecution team sa tatlong pangunahing saksi upang tapusin ang kanilang presentasyon ng mga ebidensya sa ilalim ng Article I ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa mga haharap bilang saksi sina Police Major Jovelyn Magay, dating Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Atty. Sunshine Fajarda, at Commission on Audit (COA) official Bresilio Sabaldan.
Ayon kay House Lead Prosecutor Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, target nilang matapos ang kanilang presentasyon para sa unang artikulo ng impeachment hanggang bukas, September 9.
Ayon kay Luistro, magbibigay si Police Maj. Magay ng kanyang opinyon hinggil sa mga acknowledgement receipt na ginamit sa paggastos sa kontrobersiyal na confidential funds.
Si Fajarda naman ay dating opisyal ng DepEd na kasalukuyang naglilingkod bilang Director VI sa Office of the Vice President (OVP).
Gayunpaman, tumanggi ang prosecution na ibahagi ang detalye ng kanyang testimonya dahil sa panuntunan ng sub judice.
Hindi rin muna nagbigay ng pahayag ang prosecution hinggil sa eksaktong tatalakayin ng saksi mula sa COA, kasunod ng pagharap ng dalawa pang audit officials sa mga naunang pagdinig.
Inalis na rin ng panel bilang saksi si Edward Fajarda matapos makatanggap ng pinakabagong ulat ukol sa kalagayan ng kanyang kalusugan.