Photo courtesy of National Historical Commission of the Philippines
Isang scroll lang sa social media, puwede ka nang mapunta sa isang “multiverse” ng kasaysayan—kung saan ang katotohanan ay puwedeng baguhin, baluktutin, o tuluyang burahin. Sa likod ng mga viral video, “ctto” posts, at kuwentong puro sabi-sabi, unti-unting nababago ang kwento ng ating bayan. Ito ang tahimik ngunit lumalalang banta ng historical revisionism at disinformation—isang digmaan laban sa katotohanan, kung saan ang alaala ng isang bansa ang nakataya.
Isang malawakang panawagan ngayon ng mga historyador sa bansa ang paigtingin ang paglaban sa historical revisionism o sa sistematikong pagbaluktot sa mga totoong kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng kilalang genealogist at content creator na si Mona Magno-Veluz, o mas kilala bilang Mighty Magulang, ang kahalagahan ng tamang impormasyon at kaalaman sa paglaban sa lumalalang historical revisionism sa bansa.
Sa modernong panahon, dumarami ang naitatalang disimpormasyon dahil sa paglipat ng mga maling naratibo mula sa mga tradisyunal na aklat tungo sa mga digital na plataporma kung saan mas madaling mapaniwala ang publiko.
Aniya, ang pagkawala ng tamang konteksto sa kasaysayan ay nagpapahina sa pambansang pagkakakilanlan at nagiging banta sa demokrasya ng bansa. Para kay Mighty Magulang, ang sandata sa digmaang ito ay hindi emosyon o marahas na pakikipag-away sa comment section, kundi ang tamang impormasyon, pananaliksik, at ang pagpapakita ng mga konkretong dokumento.
Sa mundong digital, madaling bumuo ng naratibo. Isang magandang lapat ng musika, kaakit-akit na font, at konting emosyon, maaari nang baluktutin ang mga naganap noong Batas Militar o baguhin ang konteksto ng mga bayani. Dito pumapasok ang kahalagahan ng mga primaryang batayan o primary sources.
Ang mga sertipiko ng kapanganakan, mga lumang batas, opisyal na ulat ng ekonomiya, at mga dokumentong pirmado ng mga saksi sa kasaysayan ang tinatawag na “resibo.” Hindi ito basta-basta mapapabulaanan ng isang viral video dahil ito ay may katibayan ng tinta at papel.
Ang tamang dokumentasyon ang nagpapatunay na ang kasaysayan ay hindi tsismis; ito ay nakabatay sa mga napatunayang kaganapan.
Isa sa mga hamon sa paglaban sa historical revisionism ay ang paraan ng paghahatid ng impormasyon. Kung mananatili lamang ang kasaysayan sa loob ng mga makakapal na libro sa silid-aklatan, madali itong matatabunan ng mga makukulay na propaganda sa internet.
Gamit ang kaniyang plataporma kung saan talamak ang maling impormasyon upang doon ihasik ang katotohanan, ipinapakita ni Mighty Magulang na kapag ang tamang impormasyon ay inihain sa paraang kawili-wili at madaling maunawaan, ang kabataan mismo ang gising na magtatanggol sa kasaysayan.
Ang paglaban sa historical revisionism ay hindi lamang tungkol sa pag-alala sa nakaraan; ito ay tungkol sa paggabay sa ating kinabukasan dahil ang isang lipunang puno ng kasinungalingan ay madaling mamanipula ng mga nagnanais ng kapangyarihan.