Aminado si DSWD Secretary Rex Gatchalian na panahon nang maglaan ng pondo ang national government para sa pagtatayo at pagpapatakbo ng mga Bahay Pag-asa sa mga lugar na wala pang ganitong pasilidad.
Sa interpellation ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr., binigyang-diin ng mambabatas ang kakulangan ng Bahay Pag-asa, lalo na sa mga highly urbanized cities at probinsya.
Ayon kay Gatchalian, sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, mga local government unit ang nakatalagang magtayo, magpondo at magpatakbo ng Bahay Pag-asa.
Gayunman, aniya, makalipas ang maraming taon ay marami pa ring lugar ang walang ganitong pasilidad kaya dapat nang ikonsidera ang pagpasok ng national government sa pagpopondo.
Sinabi rin ni Gatchalian na may limang regional Bahay Pag-asa nang inaprubahan at nabigyan ng paunang pondo, ngunit hinihintay pa ang pagpapalabas ng natitirang pondo.
Bilang alternatibo, maaari ring i-refer ng DSWD ang mga batang nasa conflict with the law sa mga pribadong social welfare facilities na may kakayahang magsagawa ng rehabilitation at reintegration programs. Gayunman, sinabi ni Garbin na magiging limitado ang ganitong referrals, lalo na sa mga malalayong lugar, kaya kailangan pa rin ng sapat na national government funding para matulungan ang mga LGU na makapagpatayo at makapagpanatili ng sariling Bahay Pag-asa.