Kinumpirma ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na nakarating na sa lahat ng munisipalidad at lungsod ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga kagamitan para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Setyembre 14, 2026.
Ayon kay Garcia, direktang ihahatid sa treasurer’s office ng mga munisipalidad at lungsod ang mga balota, habang ang mga makina, baterya, at iba pang kagamitan ay dadalhin sa lokal na tanggapan ng COMELEC.
Tinitiyak ng COMELEC na bago sumapit ang Setyembre 11 ay handa na ang mga munisipyo, election officers, at mga gurong magsisilbing electoral board members para sa final testing and sealing sa Setyembre 12 sa mahigit limang libong presinto sa rehiyon.
Kabilang din sa inihahanda ng COMELEC ang Starlink para sa mga lugar na walang internet connection sa mahigit isang libong paaralan sa BARMM.
Ayon kay Garcia, dalawang linggo nang mas maaga ang COMELEC sa kanilang paghahanda, ngunit tiniyak niyang sinusunod pa rin nila ang itinakdang election timeline.
Sa usapin naman ng seguridad, sinabi ni Garcia na hindi dapat mangamba ang mga residente dahil lamang sa isang election-related incident, kung saan tinambangan si Interim Chief Minister Abdulraof Macacua. Tiniyak ng COMELEC na magiging mapayapa ang sitwasyon bago at pagkatapos ng eleksyon.