Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang sa seguridad sa ilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region (BAR).
Kasunod ito ng pagkakapatay sa sub-leader ng Dawlah Islamiyah (DI) at sa tatlong kasamahan nito sa isang pinagsanib na operasyon ng mga awtoridad sa Sultan Mastura, Maguindanao del Norte noong isang linggo.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kaniyang inatasan ang mga kinauukulang yunit ng Pulisya na pag-aralan pang maigi ang kakayahan ng extremist network at subaybayan ang mga posibleng banta sa lalawigan at mga karatig na lugar.
Layunin ng hakbang na protektahan ang mga komunidad at mamamayan laban sa anumang planong paghihiganti o aktibidad na maaaring isagawa bilang tugon sa matagumpay na operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Pulisya at militar.
Ipinag-utos din ng PNP Chief ang masusing forensic examination sa nakuhang mga armas sa lugar ng engkwentro gaya ng assault rifle, 3 caliber .45 pistol, at isang Improvised Explosive Device (IED)
Ito’y para matukoy ang posibleng kaugnayan ng mga ito sa mga naunang pag-atake at iba pang kasong kriminal.
Kasunod nito, pinuri ni Nartatez ang mga tauhan ng PNP na lumahok sa operasyon.
Patunay lamang ito sa pangako na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lahat ng bahagi ng bansa, anuman ang mga panganib na kaakibat ng kanilang tungkulin.
