Pinaghahanda ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa posibleng epekto ng binabantayang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA, namataan ang bagyong may international name na “Champi” sa layong 1,720 kilometro Silangan – Timog Silangan ng Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 215 kilometro kada oras.
Kumikilos ang naturang sama ng panahon pa-Kanluran – Hilagang Kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Inaasahang papasok sa bansa ang naturang bagyo bukas ng umaga o hapon at papangalanan itong bagyong Rosal.
Sa ngayon, sinabi ng PAGASA na Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) at Easterlies ang naka-aaapekto sa malaking bahagi ng bansa na siyang magdadala ng mga kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat.
Inaasahan ding magsasagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, para tukuyin ang iba pang mga hakbang bilang paghahanda sa papalapit na bagyo.