Nakatakdang umuwi sa Pilipinas mamayang alas-10 ng gabi ang 14 na tripulanteng Pilipino na nakaligtas sa pag-atake sa isang crude oil tanker na MT Sidr sa Strait of Hormuz.
Sa online press briefing, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ligtas na ang 14 na mga tripulanteng Pilipino at inaasahang makakapiling na ang kanilang pamilya mamayang gabi.
Ayon kay Cacdac, ang labi naman ng dalawang nasawing tripulanteng Pilipino sa pag-atake ay nasa Al Khasab in Northern Oman at hinihintay pa ang mga dokumentasyon para ma-repatriate sa bansa.
“Sinasaayos na ngayon yung pagpapauwi ng dalawang tripulanteng nasawi. Yung 14 ay makakauwi na and in fact they are arriving tonight 10:00 PM,” ani Cacdac.
“The two who perished as the result of the attack are yet to be repatriated as their documentation for repatriation are still being prepared and finalized and sent to the authorities in Oman, and it won’t take long,” dagdag pa ni Cacdac.
Samantala, magtutungo naman ang kalihim sa Dubai bukas ng gabi para makipagpulong sa ship owner. Bahagi aniya ito ng imbestigasyon upang matukoy kung ang ship owner at manning agency ay sumunod sa rules ng Department of Migrant Workers (DMW) kaugnay sa ligtas na paglalayag ng mga tripulante. Sinabi rin ni Cacdac na sinusuri na rin ng DMW kasama ang Department of National Defense at Department of Foreign Affairs ang sitwasyon sa Strait of Hormuz. Humiling na rin aniya sila ng security assessment sa naturang lugar.