Posibleng maantala ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte kung muling pagdedebatehan ang voting threshold para sa conviction at mauwi ang usapin sa Supreme Court.
Ayon kay Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol, anumang oras na ilaan ng korte sa oral arguments o pagtalakay sa mga isyung hindi direktang may kaugnayan sa presentasyon ng mga testigo ay maaaring makabawas sa mga araw na nakalaan para sa paglilitis.
Ipinaliwanag ni Tongol na ang 90-day timetable ng impeachment proceedings ay nakabatay sa bilang ng mga testigong kailangang iharap ng dalawang panig.
Kaya kung magkakaroon ng hiwalay na paglilitis sa usapin ng voting threshold, maaaring magkaroon ng delay sa aktuwal na presentasyon ng mga testigo.
Gayunman, binigyang-diin ni Tongol na hindi agad maituturing na unreasonable delay ang naturang pagkaantala dahil mahalagang maresolba nang maayos ang tanong kung ilang boto ang kailangan para ma-convict ang respondent.
Sa ngayon, binigyang-diin ni Tongol na umiiral pa rin ang ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero na 16 na boto ang kailangan para sa conviction.
Maaari pa itong pag-usapan ng mga senator-judge sa plenaryo o caucus. May posibilidad din aniyang kuwestiyunin ang ruling sa Supreme Court.
Ayon kay Tongol, itinuring na ng Presiding Officer na isang justiciable question ang usapin dahil mayroon nang aktuwal na ruling tungkol dito.
Ibig sabihin, maaari nang dalhin sa Supreme Court ng isang partido o taxpayer ang isyu. Pero hangga’t walang bagong desisyon ang Supreme Court, mananatiling 16 na boto ang umiiral na threshold para sa conviction sa impeachment proceedings.