Tinutupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naging pahayag nito sa nagdaang State of the Nation Address (SONA) na hindi siya pangulo ng kaniyang pamilya kundi ng sambayanang Pilipino.
Ito’y kaugnay sa pagkakaaresto kay dating House Speaker at Leyte First District Representative Martin Romualdez Jr. dahil sa kasong Plunder nito bunsod ng flood control scandal na bilyon-bilyong pondo ang halaga.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa Political Analyst na si Professor Froilan Calilung, sinabi nito na maaaring ginawa ng pamahalaan ang hakbang na ito upang maiparamdam sa mga mamamayan na gumugulong ang sistema ng hustisya sa bansa, lalo na sa mga ordinayong Pilipino na patuloy na nararanasan ang paglubog sa baha tuwing may malalakas na pag-ulan.
Ayon pa kay Prof. Calilung, mas masisiyahan ang mga mamamayan kung makikita nila na tumatakbo nang maayos ang proseso, masasampahan ng kaso, at maparurusan ang lahat ng mga may kaugnayan sa flood control anomaly.
Aniya, hindi maiaalis ang mga pagdududa sa mga Pilipino na posibleng “palabas” lamang ang pag-aresto kaya kinakailangan na talagang patunayan ng pamahalaan na hindi lamang ang mga sumasalungat sa administrasyon ang mga naparurusahan.
Binigyang-diin din ni Calilung na dapat hindi selective ang pagpapatupad ng batas upang mawala ang pananaw ng mga mamamayan na ito’y “stage act” lamang kaya’t kaalyado o kalaban ng administrasyon ay dapat maparusahan lalo na’t nakatutok dito ang buong sambayanan.