Inanunsiyo ng Social Security System (SSS) na maaari nang mag-apply ang mga kwalipikadong miyembro para sa SSS Micro Loan Program o SSS LoanLite gamit ang mobile application ng UnionDigital Bank.
Ayon sa SSS, ang UnionDigital ang unang participating financial institution na naglunsad ng LoanLite sa digital platform nito.
Dito, maaaring umutang ang mga kwalipikadong miyembro ng ₱1,000 hanggang ₱20,000, depende sa kanilang average na 12 latest Monthly Salary Credits. May repayment periods na 15, 30, 60 o 90 araw, habang nasa 8% kada taon ang interest rate.
Ang LoanLite ang unang SSS loan facility para sa employed members na maaaring i-apply online nang hindi na kinakailangang kumuha ng employer certification na karaniwang kailangan sa conventional SSS short-term loans.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang SSS sa iba pang participating financial institutions para maging available din ang LoanLite sa kanilang digital platforms.