Inanunsyo ni Executive Secretary Ralph Recto ang P50-M na ibababa mula sa Local Government Support Fund (LGSF) upang palakasin ang coffee industry ng Bukidnon.
Ayon sa kalihim, tugon ito ng Marcos administration sa pangangailangan ng coffee farmers ng bansa, kasabay ng pagkilala sa masisipag na magsasaka sa Bukidnon at sa pagkakaroon nito ng angkop na klima para sa pagpapalago ng industriya ng kape.
“Bukidnon has the land, climate and hardworking farmers needed to become a major coffee-producing province. The government will help provide the investments and infrastructure necessary to turn that potential into better livelihoods and a globally competitive industry,” —Recto.
Ang bilin aniya ng Pangulo, suportahan ang mga ito mula sa pagpapalago ng mga punla hanggang sa pagdadala sa merkado ng kanilang mga produkto.
“Agad na tumugon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pangangailangan ng ating coffee farmers. Ang bilin ng Pangulo ay suportahan natin sila mula punla hanggang merkado upang lumaki ang kanilang ani at kita,” —Recto.
Katunayan, ang pamahalaan ay naglaan ng PhP400.545 million sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) para sa proposed 2027 National Expenditure Program upang mapabilis pa ang development ng coffee industry ng bansa.
“President Marcos is building a stronger Philippine coffee industry from the ground up. By investing in seedlings, nurseries, farm inputs and market access, we can reduce imports, raise farmers’ incomes and make Philippine coffee more competitive abroad,” —Recto.
Kung matatandaan, noong nakaraang linggo, nakipagpulong din ang kalihim sa local at indigenous coffee growers sa lugar.
Aniya, nais niyang dumating ang pagkakataon na mas makilala pa ng coffee lovers ang Arabica coffee ng mga taga-Bukidnon.
“Bilang Batangueño, lumaki akong ipinagmamalaki ang Kapeng Barako. Gusto rin nating dumating ang panahon na kapag masarap na Arabica coffee ang pinag-uusapan, Bukidnon agad ang maiisip ng coffee lovers,” —Recto.