Pinalakas ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) at Bureau of Customs (BOC) ang kanilang inter-agency cooperation upang mabigyan ang mga Non-Resident Filipinos (NRFs) ng tama at mapagkakatiwalaang impormasyon at tulong tungkol sa balikbayan boxes, humanitarian donations, cargo forwarding, Customs requirements, at iba pang usapin kaugnay ng pagpapadala ng mga kargamento.
Pormal na pinagtibay ang nasabing partnership sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina CFO Chairperson Dante “Klink” Ang II at BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.
Ayon kay Ang, makatutulong ang naturang partnership upang masulit ng pamahalaan ang mga umiiral na diaspora networks at mga patuloy na programa ng CFO.
Layunin din nitong matiyak na alam ng mga Pilipinong nasa ibang bansa kung saan makakakuha ng tumpak na impormasyon at aling mga tanggapan ng pamahalaan ang dapat lapitan kapag may problema o katanungan tungkol sa kanilang mga ipinapadalang kargamento.
Sa pamamagitan ng mga ito, mabibigyan ang mga Pilipino sa ibang bansa ng gabay hinggil sa mga proseso ng Customs, lehitimong service providers, at mga tanggapan ng BOC na maaaring kontakin para sa kaukulang tulong.
Inaasahang makatutulong ang mas mahigpit na koordinasyon ng dalawang ahensya upang maging mas malinaw, mabilis at maaasahan ang proseso para sa mga Pilipinong nagpapadala at tumatanggap ng balikbayan boxes at iba pang kargamento.