Dahil bukas na ang lahat ng tatlong lanes sa magkabilang direksyon ng NLEX San Simon Interchange at Tulaoc section, nag-abiso ang pamunuan ng expressway na aalisin na ang toll rebate sa San Fernando-Pulilan stretch.
Epektibo ito mamayang alas-12:01 ng tanghali ngayong Miyerkules, September 9, kung saan hindi na ipatutupad ang toll rebate para sa mga biyaherong dadaan sa naturang bahagi ng NLEX.
Mananatili naman ang pansamantalang toll exemption para sa mga provincial bus.
Matatandaang alas-8:50 ng umaga kahapon, nang muling buksan ang magkabilang direksyon ng San Simon Interchange at Tulaoc section.
Kasunod ito ng tuloy-tuloy na flood mitigation at clearing operations ng NLEX Corporation, katuwang ang mga government at private sector partners.
Kabilang sa mga hakbang ang dredging sa Tulaoc River at clearing at improvement works sa NLEX embankment para mapabilis ang daloy ng tubig at makatulong na mabawasan ang pagbaha sa lugar.
Patuloy naman umanong nakikipagtulungan ang NLEX sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapanatili ang kaligtasan at maayos na biyahe ng mga motorista at makatulong sa flood mitigation efforts sa mga apektadong lugar at komunidad.