Photo courtesy of Department of Labor and Employment (DOLE)
Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na agad nitong ipatutupad ang ₱85 dagdag-sahod sa mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR) kapag inalis na ng korte ang umiiral na injunction laban sa Wage Order Number 27.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, naghain na ang Office of the Solicitor General ng Motion to Resolve noong Setyembre 3 para hilingin ang agarang pagresolba sa kaso.
Nauna na ring naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng urgent Motion for Reconsideration ad cautelam noong Agosto 17.
Nilinaw ni Tolentino, na hindi maaaring ipatupad ng DOLE ang wage order habang may umiiral na utos ng korte dahil ang hukuman lamang ang maaaring magpasya kung pananatilihin, babawiin o babaguhin ang injunction.
Tiniyak naman ng DOLE, na agad na makikinabang ang mga manggagawa sa umento sa oras na payagan na ito ng korte.