Nagbabala ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga mas tumitindi pang propaganda Chinese Communist Party kaugnay ng usapin ng pag-aangkin ng China sa ilang teritoryo ng Pilipinas.
Ito’y makaraang umikot sa social media ang mga naratibo ng China hinggil sa pag-aangkin nito sa Batanes, pagsulpot ng Chinese Research Vessel sa Bajo de Masinloc. Gayundin ang mapanganib na hakbang ng mga eroplano ng People’s Liberation Army – Air Force sa mga air asset ng Pilipinas kamakailan.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni AFP Special Spokesperson for the West Philippine Sea, retired-reserve Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na masyado nang lantaran ang mga pinakakawalang naratibo ng China.
Ito ang dahilan kaya’t kailangang palakasin pang lalo ng Pilipinas ang ugnayan nito sa mga kaisang diwa na mga bansa para igiit ang soberaniya at karapatan sa nasabing karagatan.