Pinuri ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Bureau of Customs (BOC) dahil sa mabilis at maagap nitong pagtugon sa kamakailang pagsisikip ng cargo operations sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay ARTA Director General Secretary Ernesto V. Perez, naging mahalaga ang maagap na koordinasyon ng BOC sa mga stakeholder upang maibalik sa normal ang daloy ng mga kargamento sa paliparan.
Ikinatuwa rin ni Perez ang positibong feedback mula mismo sa mga pribadong sektor na nakaranas ng pagbuti sa sitwasyon, na aniya ay patunay sa kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at industriya.
Samantala, tinanggap ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang pagkilala ng ARTA at binigyang-diin ang patuloy na pagsisikap ng BOC na tugunan agad ang mga operational concerns at mapahusay ang serbisyo sa mga trader at publiko.
Ayon kay Nepomuceno, malaki rin ang naging pagbabago sa pagtugon ng BOC sa mga reklamo ng publiko. Mula sa pagiging kabilang sa mga ahensyang madalas ireklamo, wala na umano ang BOC sa listahan ng ARTA sa mga pinakamaraming reklamo.
Patuloy namang isinusulong ng BOC ang mga reporma para sa mas mabilis, episyente, at people-centered na serbisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungo sa mas mahusay at makataong serbisyo ng pamahalaan.