Inaasahang makatutulong sa pagpapabuti ng diplomatikong relasyong ng China at India ang nakatakdang pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa New Delhi para sa BRICS Summit.
Kung matutuloy, ito ang magiging unang pagbisita ng Chinese leader sa India sa loob ng pitong taon.
Posible ring magkaroon siya ng pagpupulong kay Indian Prime Minister Narendra Modi upang talakayin ang mahahalagang usapin sa pagitan ng dalawang bansa.
Bagama’t may mga senyales nang pagbuti ng kanilang diplomatikong relasyon, nananatili namang hamon ang ugnayang pangkalakalan.
Kabilang sa mga hamon ang masusing pagsusuri sa mga pamumuhunan, problema sa visa, at pagkaantala sa pagpasok ng ilang kagamitang industriyal mula sa China.
Dahil dito, ilang malalaking Chinese company na rin ang hindi itinuloy ang planong pamumuhunan sa India, kabilang ang BYD at Great Wall Motor.
Ayon naman sa mga analyst, maaaring makatulong ang direktang pag-uusap ng dalawang lider ngunit ang tunay na hamon ay kung paano muling bubuoin ang tiwala at palalakasin ang kanilang ugnayang pang-ekonomiya.