Posibleng bumaba sa 84 ang bilang ng mga nawawala sa MV June Aster habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa katubigan ng Coron, Palawan.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nananatiling 43 ang nakaligtas at lima ang nasawi sa insidente.
Dalawang pasahero naman ang nag-report na nakalista ang kanilang pangalan sa passenger manifest ngunit hindi sila aktuwal na nakasakay sa barko. Dahil dito, mula sa dating 86 ay posibleng 84 na lamang ang patuloy na hinahanap ng SAR team.
Sinabi rin ni Cayabyab na patuloy pa ring bumubuga ng makapal na usok ang MV June Aster kaya hindi pa makapasok sa loob ng barko ang mga rescuer.
Katuwang na rin sa pinalawak na search operation ang BRP Melchora Aquino ng PCG upang mapabilis ang paghahanap sa mga nawawalang pasahero at tripulante. | ulat ni Lorenz Tanjoco