Mahigpit na tinututukan ng Department of Transportation (DOTr) at ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang nagpapatuloy na Search and Rescue Operations sa 80 indibidwal mula sa nasunog na MV Aster sa Coron, Palawan.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, tugon ito sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng mga kinauukulang ahensya na kagyat na kumilos at ikasa ang tulong para sa mga biktima at kanilang pamilya.
Pinatitiyak aniya ng Pangulo na hindi dapat maantala ang rescue, relief, at pagpapanagot sa mga responsable na ngresulta sa insidente.
Kaugnay nito, inatasan ni Lopez ang MARINA at ang Philippine Coast Guard (PCG) na paigtingin ang ground operations sa Coron at agad na ibigay ang tulong sa mga nakaligtas gayundin sa pamilya ng mga nasawi at nawawala
Nakikipag-ugnayan na rin ang MARINA sa Western Guaranty Corporation na siyang insurance company ng nasunog na barko para madaliin ang pagbibigay ng burial assistance, medical reimbursement, at crew liability payouts. | ulat ni Jaymark Dagala