Patuloy ang search and rescue operations para sa mga nawawala matapos masunog ang passenger vessel na MV June Aster malapit sa Coron, Palawan.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na agad magbigay ng tulong sa mga biktima at kanilang pamilya.
Iniutos naman ni Transportation Secretary Banoy Lopez sa Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) na paigtingin ang operasyon at bilisan ang ayuda sa mga survivor at pamilya ng mga nawawala at nasawi.
Ayon sa paunang ulat, may sakay na 117 pasahero at 17 crew member o kabuuang 134 katao ang barko nang magkaroon ito ng emergency habang bumibiyahe mula Baseco, Manila patungong Coron.
Batay sa pinakahuling datos ng PCG, 48 na ang accounted for, kabilang ang 43 survivor at limang nasawi, habang 86 ang hindi pa natatagpuan.
Patuloy ang beripikasyon sa passenger manifest habang nagpapatuloy ang operasyon ng PCG, lokal na pamahalaan ng Coron, at mga volunteer rescuer.
Nagsimula na rin ang imbestigasyon sa insidente habang nakikipag-ugnayan ang MARINA sa insurer ng barko para mapabilis ang tulong medikal, burial assistance, at iba pang benepisyo para sa mga biktima. | ulat ni Lorenz Tanjoco