Magpapakalat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng kanilang mga kagamitan at karagdagang tauhan sa Lanao del Sur bilang paghahanda sa seguridad para sa kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections sa September 14.
Ayon sa AFP, bahagi ito ng regular na election security measures upang madagdagan ang puwersa at kagamitan sa mga lugar na nangangailangan ng mas mahigpit na seguridad.
Kabilang sa mga ipakakalat ay ang Sabrah tanks at ATMOS 155mm artillery sa mga armored at fire support assets na nakapuwesto na sa Lanao, kasama ang 10 batalyon na kasalukuyang naka-deploy sa lugar.
Ipadadala rin bilang karagdagang infantry forces ang 29th at 30th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Samantala, gagamitin din sa security operations ang mga Black Hawk at T129 ATAK helicopters para sa mabilis na paggalaw ng mga sundalo, surveillance at agarang pagtugon sa anumang banta sa seguridad.
Layon ng deployment na mapigilan ang mga armadong grupo na maaaring magsagawa ng karahasan, pananakot o iba pang kaguluhan na makaaapekto sa kaligtasan ng mga botante.
Iginiit ng AFP na preventive at protective measures lamang ang pagpapakalat ng dagdag na tropa at kagamitan at hindi ito dapat ikabahala ng mga residente. | ulat ni Jaymark Dagala

