Pinatawan ng Korte Suprema ng P30,000 na multa dahil sa indirect contempt ang isang bar review coach na nagpakalat umano ng maling impormasyon kaugnay ng 2023 Bar Examinations.
Ang hinatulan ay si Edgar Dizon, na inutusan din ng Supreme Court na alisin ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga pumasa sa 2016 Bar Exams.
Nag-ugat ang kaso sa isang social media post ni Dizon na nagsabing gagamit umano ng artificial intelligence o AI sa pag-check ng mga sagot sa 2023 Bar Exams.
Ayon sa Korte Suprema, nagdulot ang naturang post ng pagkabalisa at kalituhan sa mga bar examinees, lalo na’t nalalapit na noon ang kanilang pagsusulit.
Sa halip na burahin ang post, nagbanta pa umano si Dizon na magsasampa ng kaso laban sa Korte Suprema at humingi ng public apology.
Bukod sa indirect contempt, sinabi rin ng Supreme Court na nagsagawa si Dizon ng unauthorized practice of law sa pamamagitan ng bar review coaching at paggawa ng review materials.
Ayon sa Korte, hindi naman nanumpa bilang abogado si Dizon dahil mayroon siyang nakabinbing kasong kriminal.
Dahil dito, muli siyang binalaan ng Supreme Court na huwag makibahagi sa anumang hindi awtorisadong practice of law.