Nakatutok ngayon ang composite investigation team ng pamahalaan sa sinapit ng MV June Aster matapos lumabas sa mga pahayag ng mga nakaligtas na isang malakas na pagsabog sa cargo deck ang pinagmulan ng trahedya sa karagatan ng Palawan.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), bagamat idineklara nang fire out ang barko, nananatiling maingat ang mga awtoridad sa pagpasok sa cargo hold dahil flooded pa ito. Tinitingnan din ng mga imbestigador ang lahat ng posibleng anggulo, kabilang na ang ulat hinggil sa kargang electric vehicle at ang nakababang trapal sa accommodation area na posibleng naging dahilan kung bakit nahirapang makalabas ang mga pasahero.
Paliwanag ni PCG Spokesperson Commodore Noemi Cayabyab, magkatuwang ang mga eksperto mula sa PCG at PNP SOCO upang suriin ang bawat bahagi ng barko.
Kasabay ng pagbusisi sa pinagmulan ng apoy, tiniyak ng pamunuan ng PCG na hindi magkakaroon ng kompromiso sa pagsasagawa ng teknikal na imbestigasyon.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan ang PCG sa shipping company upang makuha ang buong manifesto ng kargamento at ang pormal na salaysay ng nawawalang kapitan habang nagpapatuloy ang search and retrieval operations sa Palawan.