Sa pagpapatuloy ng bail hearing ni Senador Rodante Marcoleta sa Sandiganbayan 3rd Division, ipinalabas sa korte ang bahagi ng pahayag ng senador sa isang TV program kung saan ipinaliwanag niya kung bakit hindi isinama sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ang pagkakakilanlan ng mga nag-donate sa kanyang kampanya.
Sa programang Sa Ganang Mamamayan sa Net 25 noong November 7, 2025, sinabi ni Marcoleta na isa sa mga pakiusap sa kanya ng kanyang mga kaibigan at donor ay huwag nang ibunyag ang kanilang mga pangalan.
Ayon sa senador, iba-iba ang halaga at paraan ng pagtulong sa kanya ng mga donor, ngunit pinili niyang ilagay na zero ang contributions sa kanyang SOCE para hindi na kailangang isa-isang tukuyin ang kanilang pagkakakilanlan.
Ang naturang video ay isa sa naging basehan ng confidential fact-finding investigation ng Ombudsman, kung saan kabilang si Luzon Field Investigation Bureau (FIB) Director Maria Melinda Mananghaya-Henson, na tumayong testigo ng prosekusyon ngayong araw.
Hindi naman kinuwestyon ng depensa ang authenticity ng video na ipinalabas sa korte. Gayunman, kinuwestyon nito ang judicial affidavit ng testigo na anila’y nakabatay lamang sa mga ispekulasyon.
Giit naman ng prosekusyon, hindi umano ispekulasyon ang mga ito dahil nakabatay ang findings sa mga ipinakita sa video at sa isinagawang evaluation ng testigo.
Present naman sa pagdinig ngayong araw sina Senador Rodante Marcoleta, dating Representative Mike Defensor, at dalawa pang akusado sa kinahaharap na kasong plunder.
Itinakda naman ang susunod na pagdinig sa September 17.