“Generally Peaceful” kung ituring ng Philippine National Police (PNP) ang pagsisimula ng makasaysayan at kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong araw.
Ito’y ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa kabila ng mga naitalang insidente ng gulo sa bisperas gayundin sa mismong araw ng botohan.
Sa pulong-balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Spokesperson, Police Col. Allen Rae Co, aabot sa 97.38% ang voting status sa mga tracked area.
Mayorya ng mga lugar sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, Tawi-Tawi, Maguindanao del Norte at Special Geographic Area ay nagsimula na ang botohan.
Habang ang apat na lugar sa—Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, Tawi-Tawi at Special Geographic Area ay mayroon nang 100% start status.
Sa Basilan, nagsimula na ang botohan sa 165 tracked location na katumbas ng 87.30%, habang ang Maguindanao del Norte ay nagsimula na ang botohan sa 264 tracked location o katumbas ng 97.42%.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang monitoring ng PNP at mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa Commission on Elections (COMELEC) gayundin sa iba pang ahensya ng pamahalaan para matiyak ang pagdaraos ng mapayapang halalan.